Back to photostream

ILANG TANDA NG PAGTATAKDA

TATLO

 

 

 

Sinusuri ni Minggay, ang yaya ko noong tatlong taong gulang, ang bawat parte ng aking katawan; naghahanap ng mga nunal, balat, at kung ano pa mang tanda ng sabi niya'y kapalaran ko. Pinalabas niya ang aking dila -- kaya kong paabutin hanggang baba, kaya't madaldal daw akong bata. May nunal ako sa kanang bahagi ng anit; ibig sabihi'y matalino raw ako. May nunal ako sa kaliwang tenga, malapit sa butas na kinakabitan ng hikaw; marami raw akong masamang pangyayaring mababalitaan. May nunal ako sa likod ng kaliwang balikat; parati raw akong lilingon sa nakaraan. May nunal ako sa kanang bahagi ng dibdib, malapit sa balagat; palagi raw akong masasaktan at magdadamdam. May nunal ako sa kaliwang talampakan; marami raw akong tatakbuhan. May balat ako sa kaliwang hita na sabi niya'y sa pagtanda ko'y mawawala; pero palagi raw uulan sa mga lugar na aking pinanggalingan.

 

 

 

 

, APAT

 

 

 

Una akong nakaranas maligaw isang araw ng linggo, tatlong buwan bago ang ika-lima kong kaarawan, sa araw na pumanaw ang lola kong mahigit dalawang taon nang nakaratay sa antigo niyang kama sa madilim niyang kuwarto sa luma niyang bahay sa subdibisyon ng Alta Vista na may palikaw-likaw na mga kalyeng pumapagitan sa magkakamukhang mga bahay.

 

 

Nagsimula ang lahat nang maisipan kong mamitas ng di pa magulang na mga kalamansi sa matandang puno sa bakuran.

 

 

Sa pagtapon ko ng nakagatang bunga'y may puti't kahel na pusang nagtatago pala sa likod ng punong tumakbo papalabas ng gate. Sinundan ko ito nang maasim pa ang mukha; paglabas ko'y nakatuntong na ang pusa sa takip ng basurahan sa tabi ng kalsada't dinidilaan ang puti't kahel nitong balahibo, pero pagkalapit ko'y kumaripas ng takbo papalayo. Kumaripas din ako ng takbo sa pagtatangkang sumunod dito. Ilang beses lumiko ang pusa; ilang beses din akong lumiko hanggang sa di ko na malaman kung nasaan ang kalsadang kinatatayuan ng pinanggalingang bahay.

 

 

Natapos lamang ang habulan nang pumasok ang pusa sa gate ng isang bahay. Napahinto ako't pinanood na lamang itong umakyat papasok ng isang bukas na bintana. Nagsimulang bumuhos ang ulan. Naroon ako, sa harap ng bahay na noon ko lamang napuntahan, sa kalyeng di ko alam, sa gitna ng malakas na ulan. Sa takot na lalo pang maligaw, di na ako gumalaw.

 

 

Gumalaw ang mga dahon ng namumulaklak na rosal sa tabi ng gate. Pagtingin ko sa lupa sa ilalim nito'y may dalawang basang binting maputik. May dalawang kamay na humawi sa mga dahon; may dalawang matang lumitaw. May boses ng batang lalaking nagtanong kung bakit ko hinahabol ang pusa niya.

 

 

Wala akong maisagot kung bakit, kaya't ikinwento ko na lamang ang pagbisita sa may sakit kong lolang kung ngumiti'y walang ngipin at kung magpaalam ay baliktad ang pagkaway, ang pagkagat sa mapakla't makunat na balat ng kalamansi hanggang sa pumutok ang asim sa bibig, ang pagkakita't pagsunod sa puti't kahel na pusang sa bahay na iyon ako dinala.

 

 

Nakinig lamang siya. At nagsimula nang dumalang ang mga patak. Hindi ko pa alam sa oras na iyon, pero mamamatay ang lola ko pagtila ng ulan.

 

 

 

 

, ...

 

 

 

Hindi iyon ang huling pagkakataong maliligaw ako sa mga kalye ng Alta Vista; iyon lamang ang simula ng kwentong di ko pa rin alam kung saan o kailan magwawakas. Hindi madaling maisalaysay ang mga di siguradong may katapusan; maliligaw lamang sa mga detalye't malilito kung saan tatapusin ang daldal. Pero kung tutuusi'y doon na rin naman natapos ang kwento, dahil kung ano man ang mga sumunod na nangyari'y di na piniling itago ng utak na mahilig paglaruan ang memorya. Natapos ang lahat ng kwento ko sa edad na apat na taon. Ang lahat ng sumunod ay wala nang naiwang nagtatagal na marka.

 

 

Mapanlinlang ang paghilom ng nasugatang balat; kahit iniwang peklat ay mabubura rin kinalaunan, at kasamang maglalaho ang kasiguruhan sa katotohanan ng mga nagdulot ditong pangyayaring naimpok sa utak na natutunan ko na ring di lubos pagkatiwalaan. Sa paglaki ko'y nabura ang halos lahat ng mga peklat na tanda ng mga aksidente't masasamang pangyayari.

 

 

Nawala na rin ang balat sa kaliwang hitang sinabi ni Minggay na kapagdaka'y mabubura, pero hanggang ngayo'y ako pa rin ang sinisisi sa mga biglaang mala-delubyong pag-ulan.

 

 

Kaya sa patuloy na pagtanda, natutunan ko nang itupi paloob ang aking dila.

 

 

 

 

 

 

 

[First draft; isinulat at iginuhit - Setyembre 27, 2005.

Unang bahagi ng koleksyong 'Ang Tamang Pagbilang: Tatlong Tala ng Pagtanda.'

Pen and Ink on A4 paper]

 

 

3,095 views
1 fave
6 comments
Uploaded on September 28, 2005
Taken on September 28, 2005