spiritchild
Nika
V.
Nawala ang antok ko’t buong pwersang inapakan ang preno. Ilang segundo pa muna akong nakatulala’t mahigpit na nakakapit sa manibela. Matinis ang iyak ng batang babae. Lalabas na sana ako ng kotse nang mapagtanto kong nasa tabi ng kalsada ang mag-ina, at walang katawang humampas sa nguso ng kotse kanina. Pinapagalitan ng nanay ang anak niya sa biglang pagtakbo sa kalsada. Tinawag niya ito sa pangalang halos walong taon ko nang hindi napag-iisipan.
Hindi pa ako nakakarating ng tollgate, nagdududa na ako kung tama ba ang narinig kong pangalan at kung may muntik nga ba talaga akong masagasaan. May mag-ina bang tumatawid sa kalagitnaan ng highway?
IV.
Padabog kong isinara ang pinto at saka itinapon ang katawan sa kama’t mahigpit na ipinikit ang mata.
Sira ang pinto kaya’t hindi rin ito sumara nang husto, at narinig ko ang mahinang ingit ng dahan-dahan nitong pagbukas. Bahagya lamang ang pagkakabukas, tantsa ko, at dahil wala namang ingay ng pagbukas ng pinto mula sa kabilang kwarto, malamang ay pumasok lamang ang pusang natuto nang itulak ang alam niyang sirang pinto gamit ang nguso.
Hindi ako dumilat. Binilang ko ang ilang segundo para maabot ng maliliit na paa ang kama. Tama ang hula ko, at kung kailan nailalarawan na sa utak ko ang pagdating ng pusa sa tabi ng kama, saka ko nga naramdaman ang bahagyang paglubog ng kutson sa may paanan.
Hindi ito kaagad gumalaw. Nag-aalangan pa siguro’t naghahanap ng mapupwestuhan sa tabi ng dalawang binti. Hinintay ko ang pagdampi ng mainit na balahibo sa binting nakasanayan na nitong sandalan habang naglilinis ng sarili. Pero walang balahibong kumiliti’t sa halip ay lumubog-lubog ang mga paa nito sa tabi ng katawan ko papunta sa may ulunan. Sumampa ito sa unan, sa tabi ng kanang pisngi ko. Lumundo ang unan sa direksyon niya nang sa wakas ay nakahanap ng pwesto’t nakahiga, pero wala pa rin akong naramdamang balahibo.
Inangat ko na ang ulo ko’t dumilat. Walang pusa sa unan. Walang pusa sa may paanan. Walang pusa sa kama. Walang pusa sa kwarto. Bahagyang nakabukas ang pinto. Pero wala rin namang sumisilip na balikat ng batang naka-puting sando.
III.
Lason daw ang bunga ng mga naka-pasong halaman sa tabi ng pinto ng bahay namin. Mga berdeng bilog na bungang matigas na nagiging pulang-pulang bungang bilog na natitiris. Parang aratilis, pero mas maliit, mas bilog, at may iisang buto sa loob. Lason daw iyon, kaya huwag naming kakainin.
Pumitas ako ng ilang pulang bunga. Ipinatong sa platito’t piniga-piga ng tinidor. Tinipon ang naipong katas at hinalo sa mangkok ng dinurog na abukadong hinaluan ng gatas at asukal.
Sinungaling sila. Hindi lason ang bunga. Ang sarap daw ng abukado, sabi ng kuya ko.
Napanaginipan ko si Nikang pumipitas ng bunga. Nilalasap ang pulang bilog na parang aratilis pero hindi at saka idinudura ang buto. Hindi niya ito hinahalo sa abukado.
II.
Singkwenta sentimos ang presyo ng isang holen noong 1988. At isang sabado, habang namimili ang nanay ko ng karne, pumuslit ako’t tumungo sa tindahan ng alambre sa tapat ng bilihan ng isda at bumili ng labinlimang pisong halaga ng holen. O tatlumpung holen na dinukot ko isa-isa sa malaking garapon at isinilid sa plastik habang pinapanood ng tindera para siguraduhing hindi ko sosobrahan ang dukot.
Doon kami naglaro sa bakuran namin, sa ilalim ng malaking puno ng sampalok. Pinalis ang maliliit na tuyong dahon at saka gumuhit ng linya sa lupa. Anim kaming naglaro; ako, ang kuya ko, at apat na kaibigan galing sa mga kalapit-bahay. Ayaw sumali ni Nika.
Nakaluhod ako noon, nakapatong ang mga siko sa lupa, at pinipilit kumindat kahit di ko naman kayang kumindat, sa pagtatangkang matamaan ang taya ng isa sa mga kalaro. Naaninag ko ang mga binti niya ilang talampakan mula sa pinaglalaruan namin. May mga peklat siya sa binti. Batik-batik, tulad nga ng sabi ng kanta noon sa patalastas ng sabong panlaba. At baliktad ang pagkakasuot niya ng tsinelas. Kaliwa sa kanan, kanan sa kaliwa.
Natamaan ko ang holen. At nang inabot ko ang braso ko para kunin ang napanalunan, nakita kong tumakbo papaalis ang dalawang binting tadtad ng peklat. Medyo piki pala si Nika.
I.
Nakasilip siya sa pinto ng kwarto; pinapanood akong pinapanood siya sa sulok ng mata. At tama nga ang naisip ko. Dahil nang itinutok ko ang paningin sa direksyon niya, wala nang batang babaeng nakasilip.
Puti ang damit niya, na malamang ay sando dahil bahagya kong naaninag ang kayumanggi niyang balikat. Maigsi ang buhok, siguro’y hanggang tenga o mas mataas pa. Hindi ko makita ang kanyang mukha, pero alam kong babae siya. Batang babae, kasing-edad ko siguro noon, mga tatlo o apat na taong gulang.
Sa unang pagkakakita ko pa lang sa kanya sa sulok ng mata – hindi ko siya matingnan nang mabuti dahil alam kong mawawala siya kapag lumingon ako o kahit galawin ko man lang ang mga mata ko papunta sa kanyang direksyon – alam ko nang hindi siya tao. O tao dati, pero hindi na tao ngayon sa pagkakaintindi ko ng salitang tao. Iyong nakikita ng lahat. Iyong nakakausap at kumakausap. Iyong nakakaalis sa lugar na ayaw nang panatilihan.
Nika ang ipinangalan ko sa kanya. Hindi malamang iyon ang pangalan niya noong may nakakaalam pa nito at noong may saysay pa ang pagkakaroon niya ng pangalan, pero dahil alam kong hindi ko iyon kailan man malalaman, isinulat ko na lang sa utak ang unang pangalang lumutang.
---
[pahabol]
Umaalog at nanginginig ang hitang pinapatungan ng batok ko sa bawat halakhak at hagikhik ng may-ari nito. Umaalog at nanginginig na rin ang buong ulo ko.
Namumulaklak ang inamag na mantsa ng tulo ng yero sa dapat sana’y puting kisame. Matigas at umuumbok sa likod ang manipis na kutsong nakapatong sa sahig. Mausok at maamoy ang buong kwartong pang-isang taong sinisiksikan naming lima. Maingay silang lahat, maingay na maingay. Masayang-masaya’t nag-uunahang magbahagi ng mga kwentong agad din namang makakalimutan. Ako lang ang di nagsasalita, ang nagbababad sa sariling pagkalungkot.
Lumiliit ako. Labing-apat na taong gulang na uli ako, pakiwari ko. Mas pandak, mas bilog pa ang mukha, at nag-eempake sa pagbabalak lumayas dahil mas madaling takbuhan kaysa tanggapin ang mga nalalamang katotohanan. Tumatakbo ako; padabog, patago. Pero wala namang sumusunod.
Huminto sandali ang panginginig ng hita sa batok ko’t may kamay na humagod at naiwang nakapatong sa kanang pisngi ko. At lumiit muli ako, naging pitong taong gulang, mas pandak pa, mas bilog pa lalo ang mukha’t namumula ang magkabilang pisngi, mas maikli pa ang buhok, at nagngingitngit sa galit sa kuya kong idinadaan ang kaduwagan sa pananakit. Nakatayo ako sa kusina, hinahanap ang maliit at matalas na kutsilyong may dilaw na hawakan. Doon ko napagtanto ang sarili kong kaduwagan.
Pinalis ng kamay sa pisngi ko ang mga hibla ng buhok na nakapatong na sa mukha ko. Napapikit ako sa pagdaan ng palad niya sa mga mata ko, at di na naisipang dumilat pa.
Hindi na umaalog at nanginginig ang hitang hinihigaan ko pagkagising. Tulog na ang may-ari nito tulad ng lahat ng iba pang nasa kwarto. Wala nang usok at pawala na ang amoy. Nakabukas ang isang bintana’t may isang hiwa ng sikat ng araw na gumagapang sa sahig sa ilalim nito.
Sa sulok ng kaliwa kong mata, may puting aninong kumaripas ng takbo papalabas ng kwarto. Hindi ko na tinangkang lumingon. Tinataguan ako palagi ni Nika, nanunukso lang pero alam kong hindi talagang magpapakita.
Kai-kailan lang ring naisipan ni Nikang magpakitang muli kahit sa puting anino lang. Pagtapak ko noon ng limang taon, kahit balikat o pinepeklat na binting may baliktad na tsinelas, hindi na niya muling ipinakita sa akin. Tumanda na kasi siguro ako; lumagpas sa edad na di niya malagpasan, at naiwanan ang mga taon na malapit pa raw tayo sa mga hindi tao sa pagkakaintindi ko ng salitang tao dahil kagagaling pa lang din natin sa lugar na di pa nila matakasan.
Pero ngayon, nagpaparamdam na naman si Nika.
Inis kong pinalis ang namuong muta sa sulok ng mata. Hindi na dapat ako pumikit. Nakayayamot ang pagtulog. Ang daming nasasayang na oras, ang daming pagkukunwaring ipinipilit ipapaniwala ng utak sa panaginip.
Sayang, hindi ko naabot ang puntong apat o tatlong taong gulang pa lamang ako. Baka sakali, kung ganoon, makita kong muli si Nika kahit sa rurok na ng kahibangan. At sayang, hindi ko muling naramdaman kung paanong maging mas bata pa sa tatlo o dalawang taong gulang, kung natatandaan pa man ng utak ko ang ganoong pakiramdam. Hanggang gaano kaya kaaga ang naimpok na memorya? Paano kung pagkaabot dito’y hindi pa rin ako abutan ng pagkaantok? Sayang, dahil hindi ko na malalaman. O hindi ko pa malalaman.
Mabuti pa si Nika, nananatili sa kanyang pagkabata.
-piya- hulyo 23, 2005 – [first draft]
- iginuhit, hulyo 24, 2005. joseph gillot rexel drawing pen, point no. 1068A. vertical strokes. yellow paper.