spiritchild
Apartment sa Dapitan
ni Mykel Andrada
Sabi ni Edward, “You’re history,” sabay tutok ng patalim sa pagitan ng mga mata ko. Buti’t hawak ko ang Noli Me Tangere, ‘yung pula ang pabalat at may malaking mukha ni Jose Rizal. Sa kaliwang mata tinamaan si Rizal.
Hinila ng pinto palabas si Edward.
Sa unang pagkakataon simula nang magsama kami, mag-isa akong matutulog sa apartment. Dahil lang sa selos niya sa propesor ko sa Kasaysayan kaya siya lumayas. Hindi ko tuloy alam kung ano’ng sasabihin ko kay Prop. ngayong bulag na ang kaliwang mata ni Rizal.
Pumunta ako sa banyo. Dati iyong palikuran, labahan. Naroon kasi ang poso. Hanggang ngayon, naroon pa rin ang poso. Malamig ang tubig kapag mainit ang panahon, at maligamgam naman kapag panahon ng pangangaligkig. Binomba ko ang poso, malamig ang ramdam ng bakal na hawakan, dumaloy ang masaganang tubig patungo sa pusod ng batya. Nakikita kong unti-unting nabubuo ang mukha ng tubig, una’y mababaw hanggang sa halos umapaw na ito, hanggang sa nakita kong nabubuo ang mukha ko roon.
Naghinaw ako ng kamay. Nalabusaw ang mukha ko sa mukha ng tubig.
* * * * *
Madaling araw. Mga dahon lang ang naniniklot sa labas. Saan kaya nagsuot si Edward? Pumunta ako sa may tarangkahan. Wala ang mga aso kung saan dapat silang nahihimbing na. Kumakahol ang mga bantay. Nasa labas sila ng gate. Tinungo ko ito. Nakabukas pala; mukha lang nakasara dahil magkalapat ang dalawang bakal na labi nito. Marahil, dahan-dahang itinulak ng hangin.
Pagkabig ko sa gate ay dalawang buntot na kumakaway ang unang namataan ko. Kaunting usod ko pa’y dalawang itim na sapatos na balat ang namasdan ko. Nakaturo sa lupa ang mga dulo nito. Isang lalaki ang nakahandusay sa labas ng aking (aming) tarangkahan.
Malago ang buhok niya, parang pelukang ipinatong sa bumbunan. May dugo sa sahig, galing sa dibdib ng lalaki. Luminga-linga ako, wala ni isang kaluluwang naligaw, maliban sa lalaking nakikipagniig sa kalsada, sa tapat ng aking tarangkahan, sa tapat ng aking (aming) inuupahang bahay.
Ayaw kong tingnan ang mukha niya. Pero kailangan. Iyon ang utos ng utak ko. Dinadaga ang dibdib ko. Iniharap ko siya sa akin. Malago ang bigote niya. Parang idinikit lang. Si Cesar Montano. Si Cesar nga. At kahawig niya, sa pagkakataong iyon, si Rizal. Sa pelikulang ipinapanood sa amin ni Prop. (pinagagawa kasi kami ng komparatibong analisis ng mga pelikulang hinggil sa buhay ni Rizal).
Sa takot ko’y pinapasok ko na ang mga aso, baka-sakaling tumigil sa kakakahol. Baka kasi magising ang mga kapitbahay at pagbintangan akong pumatay kay Montano. Tumigil naman. Pagkatapos hinila ko na si Cesar papasok sa loob ng bahay. Kumahol na naman ang mga aso. Tinadyakan ko para matakot. Kumaripas naman ng takbo ‘yung isa. Sumunod na rin ang isa.
Mas mabigat pala ang katawan ng isang patay. Pareho lang ng pangangatawan sina Cesar at Edward. Nang minsang akayin ko papasok si Edward, di ako gaanong nahirapan. Hindi tulad ngayon. Isang bangkay. Si Montano pa. Mabigat. Ang grabedad ang may-sala nito.
Pagdating sa sala, ang una kong naisip ay kailangang madispatsa ko si Montano/Rizal. Hindi ko alam kung bakit ganun ang nararamdaman ko. Kailangan kong dispatsahin si Cesar/Jose. Kundi, baka magahasa lang ako sa kulungan.
Kumapit na ang dugo sa mga palad ko. Namantsahan pa pati ang dilaw na t-shirt kong “Buru-buru” ang disenyo, nabili ko ng P50 sa ukay-ukay sa Cubao. Pumunta ako sa banyo, para maghugas ng kamay at braso. Kinuha ko ang pakete ng Tide, mas mahusay na pantanggal iyon ng mantsa ng dugo. Pagpasok ko sa banyo, nakapagtatakang wala na ang poso. Kinusot ko ang mga mata ko, wala talaga ang poso.
Sa halip, isang lumang balon ang naroroon.
* * * * *
Lagi akong iniimbitahan ni Prop. na sumama sa kaniyang kuwarto. Minsan ko lang siyang pinaunlakan.
Pagpasok ko, unang tumambad sa akin ang bust ni Rizal. Nasa gitna ng kaniyang silid at napaliligiran ng mga bala ng VHS. Puro pelikula tungkol kay Rizal. Pati mga episode ng serialized na Noli me Tangere sa telebisyon.
“Si Joel Torre ang pinakamahusay,” sabi niya. Pinakamahusay na gumanap kay Rizal sa pelikula.
Ibibida ko sana si Cesar Montano, pero naunahan niya ako. “Pinaka-baklang Rizal si Cesar Montano.” Paano raw, nung sinindihan ni Cesar ang gasera sa pelikula, at nung patayin niya ang apoy ng ipinansinding posporo ay hinipan niya ito sa halip na alugin sa ere gamit ang hinlalaki at hintuturo.
Nagsindi siya ng posporo matapos sabihin iyon. Iniaabot niya sa akin. Hinipan ko. Dahan-dahan niyang inilibing sa mukha ng kaliwang sapatos ko ang kamamatay lang na posporo. Pagtungo niya, nanalamin ako sa kintab ng ulo niya.
Ikinuwento ko iyon kay Edward pagdating ko sa bahay. Sa galit niya, para siyang sinindihang posporo.
* * * * *
Bumalik ako sa sala. Sinusuklay na ng mga daliri ni Edward ang buhok ni Cesar/Jose. May umaalimbukay na kung ano sa dibdib ko.
Dahan-dahan kong nilapitan si Edward. Patuloy lang siya sa pagsuyo kay Montano/Rizal. Hinawakan ko siya sa balikat. Nanginginig ang buo niyang katawan. Humiga ako sa tabi ni Cesar, ni Jose. Pinadaan ni Edward sa mga puwang sa pagitan ng kaniyang mga daliri ang mga hibla ng aking buhok.
“Joseph… ba’t mo siya pinatay?”
“Hindi natin maitatago ang bangkay. Ano’ng gagawin natin?” NATIN.
Kinalas niya ang kaniyang mga daliri mula sa pagkakapulot ng mga hibla ng buhok ko. Sinimulan niyang buhatin si Cesar, si Jose, si Montano, si Rizal. Kumakahol pa rin ang mga aso sa labas. Inilagay ko ang kaliwang braso ni Cesar sa balikat ko. Ang kanang braso sa balikat ni Edward.
Dinala namin ang lalaki sa banyo.
* * * * *
Mukha ni Rizal ang nakatatak sa kahon ng posporo ni Prop.
“Tingan mo ‘yung koleksyon ko,” sabi niya sa akin, sabay turo sa dingding. Iba’t ibang anggulo ng mukha ni Rizal. Naka-right sideview. Left sideview. Mayroong naka-tiger look. May nakangiti. May nakasimangot na parang nagkukunwaring masaya. Lahat ng iyon mga disenyo ng mga kahon ng posporo na tinipon ni Prop.
Katabi niyon ang mga litrato ni Prop. kasama ang samu’t saring artistang nagsiganap na Rizal. Si Cesar Montano, para sa akin, ang pinakamakisig.
Ako naman raw ang tumungo. Gagawin ko na sana, kaya lang nakatitig sa akin ang napakaraming Rizal. ‘Yung itim na bust sa sentro ng silid. ‘Yung mga kahon ng posporo. ‘Yung mga pabalat ng libro: Rizal Romantiko. Rizal Relihiyoso. Rizal sa Rizal.
Nagalit na si Prop. Ayaw ko kasing tumungo. Pareho naman raw kami ng isinusubo at nilululon, ano pa raw ang ipinag-iinarte ko.
“Prop., una na po ako.”
“See you next sem, Joseph.”
Dumaan ako sa tabi ng bust ni Rizal. Siniko ko ito.
Alam ko. Alam ko. May. Nadurog.
* * * * *
Nagtaka ako kung bakit di nagtaka si Edward na wala na ang poso sa banyo. Pagkalapag nga namin kay Cesar/Jose, kay Montano/Rizal sa may tabi ng balon, sabi niya, “Diyan natin siya itatago. Walang makakahanap.”
Muli naming binuhat si Cesar, paakyat sa bunganga ng balon. Ulo lang ang kasya sa puertang-bunganga ng balon. Napakamot ng ulo si Edward. Tumunganga ako saglit, tapos hinalikan nang madiin sa pisngi si Edward, at pumunta sa kusina.
Bumalik ako sa balon na may dalang itak. “Ito na lang ang tanging paraan.”
Ilang beses kong hiniwa ang hangin gamit ang itak. Bawat hiwa ko sa hangin ay mantsa ng dugo sa dilaw kong kamiseta. Sa itim na polo ni Edward. Sa salawal ko. Sa pantalon ni Edward. Sa mukha namin. Nahilam pa nga ako ng dugo.
* * * * *
Minsan, sa isang apartment sa Dapitan,
* * * * *
isa-isa naming inihulog ang mga pinutol kong bahagi ni Cesar Rizal, Jose Montano. Inihuli ko ang ulo. Nakapikit ito. Mahimbing. Nananaginip marahil. Parang batang ipinaghele ng hangin, katulad ng pagsuklay ng ina sa buhok ng anak gamit ang mga daliri.
* * * * *
may umalis.
may humapong muli.
may nagpasuyod ng daliri sa buhok.
Oktubre 24, 2004. Iba. Mykel