Back to photostream

Tatlong Beinte Singko

ni Mykel Andrada

 

 

 

1. Isang Beinte Singko

Sa halip na magdamot, lalong magdamot. Sa halip na magpatawad, manumbat.

 

Ito ang bago niyang motto. Laluna kapag nanghihiram ako ng pera. "P5.50 lang naman... babayaran ko naman," lagi kong sinasabi. "P5.50 times seven times four times twelve," habang inaabutan ako ng limang tigpipiso at dalawang beinte singko. Inilagay ko agad sa bulsa ng light blue na polong uniporme ko sa opisina ang mga barya.

 

Maingat kong isinara ang pinto pagkalabas ko. Kahapon kasi, napalakas ang pagsara ko. Nabalibag ko ang pinto. Pero mas malakas ang tunog na ibinunga ng talampakan ni Hero (palayaw niya ito; mamaya, sa dulo ng kuwento, isusulat ko nang buo ang pangalan niya. O! Wag mo nang tangkaing puntahan agad ang pinakadulo ng kuwento. Pag pumunta ka, tutubuan ka ng taghiyawat sa utong!) sa likod ng pinto nang tadyakan niya ito.

 

Ibinayad ko agad sa dyip papuntang Manila City Hall ang baryang hiniram ko kay Hero. Maayos na sana akong magbibiyahe -- tatakamin ang sarili sa mga posibleng pagpipilian at uutanging putaheng de-plastik na patong-patong at nagsusumiksik sa basket ni Manang, magbibilang ng mga taong naka-dilaw na pang-itaas, at lilimiin kung kanino nga ba ako mangungutang ng pamasahe pauwi -- kung hindi lang nahulog ng lalaking pinag-abutan ko ng bayad ang isa sa dalawang beinte singko ng P5.50 na inutang ko kay Hero. Yumuko-yuko ang lalaki -- putimputi ang polo't pantalon, makintab na itim na parang balat ng ipis ang mga sapatos -- ngunit nang palutangin niya ang kaniyang ulo mula sa pagkakadukdok sa paghahanap sa pagitan ng kaniyang mga hita, dalawang matipid na iling ang iniabot niya sa akin.

 

Doon na nagsimulang mamula ang mga mga mata ko, pilit tinatalo ang pamumula ng mga tainga ko.

 

"Ed (palayaw niya ito; mamaya, sa dulo ng kuwento, isusulat ko nang buo ang pangalan niya, tulad nang sitwasyong ibinigay ko sa iyo sa kaso ni Hero. O! Pag pumunta ka agad sa pinakadulo ng kuwentong ito, tutubuan ka ng taghiyawat sa magkabilang likod ng mga tuhod mo!)?" mahinang itinanong ko habang lumalaki ang mga singkit kong mata.

 

"Ranc (palayaw rin ito; oo, mamaya, sa dulo ng kuwento, isusulat ko nang buo ang pangalang ito, tulad ang sitwasyong ibinigay ko sa iyo sa kaso nina Hero at Ed. Huling babala: Pag pumunta ka agad sa pinakadulo ng kuwentong ito, tutubuan ka ng taghiyawat sa kuyukot!)!" malakas niyang sagot.

 

"Ed, si Ikel (palayaw ko; tingnan ang sitwasyon o kondisyong ibinigay ko kina Hero, Ed at Ranc; napapagod na ako sa kauulit. Di ka ba napapagod sa kababasa?) 'to," sagot ko.

 

"I still haven't changed, 'no?" sabi niya.

 

"Malinis ka na ngayon," pabiro kong sagot. Naalala ko bigla si Tolits, ‘yung bata sa patalastas ng Tide. ‘Yung batang mareklamo. ‘Yung “ako” nang “ako.”

 

Umusog papalapit sa akin si Ed. "Di ko kasi makita 'to," sabi niya habang itinuturo ang dalawang nunal sa mukha ko, sa ilalim ng kaliwang mata ko. Tulad nang hindi niya ito nakita’t napagkamalan niyang ako si Ranc, ang pinsan kong kamukhang-kamukha ko.

 

Biglang natahimik si Ed, mabilis na tinanggal ang kanang hintuturo sa pagkakalapat sa isa sa dalawang nunal ko. Naalala niya rin siguro. ‘Yung gabing iyon.

 

Bumaba siya sa UST.

 

Nung pababa na ako ng dyip sa bukana ng underpass na tataluntunin ko papuntang ikatlong palapag ng City Hall, siningil ako ng drayber. Buti't nakatalilis ako.

 

Natanggal nga lang ang suwelas ng kaliwang sapatos ko.

 

2. Dalawang Beinte Singko

Ang tumakbo nang matulin, hinabol.

 

Ito ang bago kong motto.

 

Inabutan ako ni Hero na inirarugby ang suwelas ng kaliwang sapatos ko.

 

"Mukha mo na lang idikit mo diyan!"

 

Gusto ko sanang gumanti ng: "Mukha mo, mukhang mesang pinagparausan ng mga konyong parokyano ng Starbucks mo!" Pero mabilis na natuyo ang rugby sa mga labi ko.

 

Ibinato sa akin ni Hero ang maliit na bag na mukhang glamorosong bersyon ng Manila paper na ginagamit namin sa mga pag-uulat nung nasa hayskul pa kami sa Lourdes School, Quezon City (LSQC).

 

Ipinasok ko sa loob ng bag ang kaliwang kamay ko. Kinapa-kapa ko muna ang mga nilalaman nito bago ko tuluyang inilabas:

 

1. isang maliit na hiwa ng banana cake.

2. dalawang pakete ng hibiscus tea (gumamelang tsaa)

3. dalawang piraso ng tisyung puti na may tatak na Starbucks

 

Nang mailabas ko na ang mga bagay na ito ay itinaob ko ang bag at tinaktak. Lumabas mula sa bunganga ng bag ang:

 

4. dalawang beinte singko sentimos na barya

 

na mabilis na gumulong papunta sa kung saan, kaya’t maagap rin akong yumuko para hanapin ang mga ito. Sa paghahanap ko, nabukulan ako sa noo. Naalala ko tuloy ang isang korni na joke: anong hayop ang laging nauuntog? Sagot: dog!

 

3. Tatlong Beinte Singko

Kapag may bula, may nag-gu-gumamela.

 

Ito ang motto ko kapag naglalaba. Ito rin ang motto ko kapag kinakausap ako nang pagalit ni Hero. Tulad nung makalawa nang bulyawan ako ni Hero, kung kailan naglalaba ako ng uniporme. Nagkataon o itinaon?

 

Sinisinghalan niya ako habang sinisingil nang tumilamsik ang laway niya sa noo ko. Kitang-kita ko ang bula, malaki, kamangha-mangha, parang bulang nabubuo ng gumamelang dinikdik at hinaluan ng tubig at sabong-panlaba.

 

Lagi kaming nagpapaligsahan nung bata pa sa paggawa ng pinakamalaking bula mula sa gumamelang-dinikdik-at-hinaluan-ng-tubig-at-sabong-panlaba. Minsan, nag-eksperimento ako. Tinangka kong ilagay sa loob ng isang malaking bula ang tatlong piraso ng beinte singko sentimos, ‘yung may paruparo sa likod. Inilapag ko sa kalsada ang mga beinte-singkong-may-paruparo, nakaharap sa akin ang mga nakaukit na paruparo, tapos ay isinubo ko ang straw at dahan-dahang hinipan ito para lumabas ang bula. Agad na pumuputok ang bula pagtama pa lang nito sa kalsada. Ang hindi ko alam nang mga panahong iyon ay hindi pala ako mag-isang saksi sa ritwal na ginagawa ko. May mga batang nasa likuran ko at naghahagikhikan.

 

Biglang parang pumutok na bula ang ulo ko. Kinuha ko ang basong naglalaman ng gumamelang-dinikdik-at-hinaluan-ng-tubig-at-sabong-panlaba at isinaboy ko sa mga suwail na kalaro ko. Nagtakbuhan sila. Pero bago sila kumaripas ng takbo, isinumpa nilang di na muling makikipaglaro sa akin.

 

Dinuraan ko sila. Nakita ko ang mga bula mula sa laway kong pinanis ng maghapong paglalaro sa kalsada.

 

Beinte Singkong Duling

Sinabi nang wag mong puntahan agad ang dulo ng kuwentong ito, e! At dahil nandito ka na, ayoko na. Hindi ko na tatapusin ang kuwento. Di mo tuloy malalaman kung bakit naging Hero, Ed, Ranc at Ikel ang mga palayaw namin.

 

Namin? nAMEN!

 

2,914 views
0 faves
0 comments
Uploaded on July 23, 2005
Taken on July 19, 2005